Patay ang isang lalaki sa Quezon City nang pagbabarilin sa harapan ng isang hypermarket store nitong Linggo, ayon sa ulat ni Isa Avendaño-Umali sa Super Radyo dzBB.

Puno ng tama ng baril ang biktima na kinilala ng La Loma Police Station 1 na si Hanson Maranan, 44-anyos na negosyante.

Ayon sa pulis, dead on the spot si Maranan matapos siyang pagbabarilin habang nakatayo sa kanyang tindahan ng sibuyas at saging sa harap ng Puregold Cloverleaf sa Balintawak bandang 7:20 ng umaga.

Pinagbabaril umano si Maranan ng dalawang hindi pa nakikilalang lalaki sakay ng isang motorsiklo.

Narekober mula sa crime scene ang walong basyo ng bala at isang cellphone ng biktima.

Tinitignang motibo ng pulis ang negosyo sa likod ng pamamaril. Pero ayon naman sa mga kaanak ng biktima, wala naman daw itong kaaway.

Pag-aaralan ng mga pulis ang mga kuha ng CCTV malapit sa lugar upang sa kanilang patuloy na imbestigasyon sa insidente. —Joviland Rita/LBG, GMA News