Patay ang isang 24-anyos na pintor matapos mahulog mula sa ika-21 palapag ng itinatayong condominium sa Maynila, ayon sa ulat ni Ivan Mayrina sa Unang Balita ng GMA News nitong Martes.

Sa kuha ng CCTV sa Barangay 397 sa Sampaloc, makikitang nagulantang ang ilang construction worker nang biglang may bumagsak kasabay ng isang pirasong bakal mula sa itaas ng gusali.

Nahulog pala ang isang construction worker na si Jumar Sanchez na pintor sa construction project.

Nasaksihan ng bayaw at kasamahang trabahador ni Sanchez kung paano siya nahulog mula sa ika-21 palapag.

"Pagtanggal niya ng body harness…bigla pong na-out of balance siya sa tinatapakan niya. Napakapit siya sa lubid hanggang—siguro 'di na niya nakaya—nabitawan na niya 'yung sa lubid kaya nahulog siya," ayon sa saksi na si Christian Benavidez.

Sinubukan ng GMA News na kunan ng panig ang Lucky 818 Corporation na may-ari ng condo at ng Policome Construction Corporation na contractor naman ng proyekto pero hindi sila humarap.

Samantala, sandaling humarap ang nagpakilalang safety officer ng kompanya pero  biglang nawala at hindi na muling nagpakita sa mga pulis.

Kinumpirma ng kapatid ng biktima na si Joan na may kumakausap na sa kanila, pero hihintayin muna raw nila ang magiging imbestigasyon ng pulisya bago sila magdesisyon.

"Meron na po, pero idadaan po natin sa ano…Pulis na po bahala diyan," sabi ni Joan.

Ayon naman sa hepe ng Manila Police District-Homicide Division na si Police Captain Henry Navarro, iimbestigahan nila kung may kapabayaan sa pamamahala ng construction project.

"Tinitignan namin 'yung anggulo na hindi nila sinusunod 'yung protocol sa safety. At kung mapatunayan natin na meron silang kapabayaan, kakasuhan natin 'yung mga responsible person," sabi ni Navarro. —Joviland Rita/KG, GMA News