Na-comatose saka nasawi ang isang lalaki na pinagtulungang bugbugin ng mahigit apat na katao sa Novaliches, Quezon City.  Ang ina ng biktima, hinihinalang nasa likod ng malaking sindikato ang mga suspek.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, makikita sa CCTV camera ang paghahabol ng mga suspek sa biktimang si Joselito Villamor, 23-anyos, sa Quirino Highway.

Nangyari ang insidente noong Hunyo 21.

Dalawang lalaki ang unang nakitang nakasunod kay Villamor, pero ilang saglit pa'y humabol din ang isang babae at lalaki na sakay ng bisikleta.

Sumunod pa ang isang traysikel na puno ng sakay, at ilang pang kalalakihang sakay ng motorsiklo.

Na-korner si Villamor at agad siyang pinagtulungan ng mga suspek, saka bugbog-saradong iniwan sa eskinita.

Nagawa pang dalhin sa ospital si Villamor, na dalawang linggong comatose.

Nasawi siya kalaunan dahil sa blunt traumatic head injuries, na nakatala sa kaniyang death certificate.

"Ginanyan lang nila! Binugbog nila nang walang kalaban laban ang anak ko. Pinagtulung-tulungan nila, ginawa nilang hayop 'yan. Sana pagbayaran nila 'yan! Lahat silang gumawa niyan!" sabi ni Erlinda Villamor, ina ng biktima.

Nananatiling palaisipan kung ano ang motibo ng pambubugbog sa biktima.

"Baka kako meron nangursunada sa kaniya, baka  naman napagtripan siya o ano, kasi mukhang malaking sindikato eh. Marami gustong tumestigo, ultimo mga bata, kaya lang ang ginagawa nila, pinagbubububog daw nila, pinagtatakot nila," sabi pa ng ina ni Villamor.

Mayroon nang persons of interest ang pulisya pero hindi pa rin maikasa ang reklamo.

"Under investigation ang kaso, tapos tinap na natin ang intel natin, 'yung follow-up, under investigation na ang suspects... Meron tayong nakitang CCTV sa area, actually kuha natin ang body number ng traysikel na gamit ng mga suspek," sabi ni Police Lieutenant Harry Basilia, Chief, Investigation, QCPD Station 3.

Hustisya ang sigaw ng pamilya ni Joselito.

"Sumuko po sila dahil kawawa din po 'yung pamangkin kong naiwan nila, kilala ko sila! Kilala ko kayo kung sino man kayo!" sabi ni Ailene villamor, kapatid ng biktima. —Jamil Santos/LDF, GMA News