Patay ang dalawang pinaghihinalaang holdaper sa Quezon City matapos umano makipagbarilan sa mga pulis dakong alas-tres ng madaling-araw nitong Huwebes.

Sa ulat ng Unang Balita, nangyari ang engkuwentro sa Banahaw Street, Barangay Payatas.

Pahayag ng isang saksi, dalawang lalaki ang nangholdap umano ng pampasaherong jeep.

Dagdag niya, naghihintay siya ng masasakyan pauwi sa Montalban, Rizal nang makita niya ang komosyon sa isang jeep.

Umakyat umano ang dalawang lalaki na naka-jacket ng itim sa isang jeep, na sa una’y inakala niyang magsasagawa ng raid.

Pero, bila umanong pinagkuha ang mga bag ng mga pasahero. Doon na raw siya nagsumbong sa mga taga-barangay at pulis.

Maswerte naman umanong may mga pulis na rumoronda at narespondehan agad ang panghoholdap.

Nagkahabulan hanggang Banahaw Street at dun na nagkaengkuwentro. Napatay ang dalawang lalaki na wala pang pagkakilanlan.

Nakatakas naman umano ang apat pa nitong mga kasamahan sakay ng dalawang motorsiklo.

Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga napatay na suspect.

May nakuhang dalawang baril at anim na bag mula sa dalawa. —LBG, GMA News