Nahaharap sa kasong kidnapping at qualified theft ang isang 17-anyos na yaya matapos niya umanong tangayin ang laman ng vault ng kaniyang amo at pati na rin ang kaniyang alagang bata sa Las Piñas City.

Nasabi naman ng Las Piñas Police na base sa kontra-salaysay ng kasambahay, posible raw na nabiktima ito ng tinatawag na dugo-dugo gang.

Ayon sa ulat ni Dano Tingcungco sa Unang Balita nitong Miyerkoles, nalaman na lang daw nina Melanie at Raymond Vergel de Dios na wala na sa bahay ang isang-taon at pitong buwang gulang nilang anak na si Nyla at ang kaniyang 17-anyos na yaya.

Kalat-kalat daw ang kanilang kuwarto at banyo kung nasaan ang kanilang safe.

"We saw that all the curtains were closed and all the doors were locked and there was no response at all from our yaya," ani Raymond.

Nalaman na lang daw nila mula sa security guard na kasama daw ng kanilang kasambahay si Nyla nang lumabas ito ng subdivision.

Bitbit daw ng kasambahay ang isang trolley na naglalaman pala ng mahigit P2 milyon halaga ng alahas, titulo ng lupa, mga mamahaling relo at pera.

Matapos mag-report sa pulisya ang mag-asawa, sinagot ng kasambahay ang tawag ng mga awtoridad.

Sakay raw ng isang taxi driver ang kasambahay at si Nyla pabalik ng Las Piñas mula Bacoor, Cavite.

Kuwento ng driver na si  Rely dela Cruz, inakala raw niya na mag-ina ang dalawa. Ipinasa raw sa kanya ng kasambahay ang telepono.

"Sabi po sa akin kaagad ng kausap ko pulis daw po sila, wag ko raw po iiwanan o bibitawan ang aking sakay kasi may problema raw po 'yun," aniya.

"Hysterical" daw ang yaya matapos silang iibaba ng driver sa Zapote Police Community Precinct, ayon kay Melanie.

"She (yaya) said na somoene called her and said that I got into an accident, and that she has to go to our, to where the vault was. Parang they know the details," sabi ni Melanie.

Sumailalim na sa inquest proceedings ang kasambahay para sa kasong qualified theft na ihinabla na ng mag-asawa.

Pinag-aaralan din nilang ireklamo ng kidnapping at child endangerment  ang kasambahay na nasa kustodiya ngayon ng Department of Social Welfare and Development.

Dalawang buwan pa lang daw naninilbihan sa mag-asawa ang menor de edad na yaya.

Ayon sa Las Piñas Police, posible raw na nabiktima ang kasambahay ng "dugo-dugo gang."

Bagama't wala mang nakikitang indikasyon ng kidnapping ang pulisya dahil ibinalik kaagad ang  bata, hindi pa rin naw nawawala ang pananagutan nito sa pagkawala ng vault ng pamilya.

"Nagkaroon ng duda doon kung kasabwat ba siya o siya ay biktima rin," sabi ni Police Colonel Simnar Gran, hepe ng Las Piñas Police.

Dagdag niya: "Kung nagsasabi siya ng totoo o nagsisinungaling siya, bahala na ang korte doon." —Margaret Claire Layug/KBK, GMA News