Isang lalaki ang inaresto matapos mag-selfie nang naka-dirty finger habang nasa loob ng presinto at nasa background pa ang mga pulis, ayon sa eksklusibong ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Martes.

Sa kuha ng CCTV, kita na tumayo ang lalaki na kinilalang si Mark June Ejorcadas habang nasa loob ng La Loma Police Station nitong Lunes nang hapon.

Ayon sa pulisya, iniwasan ni Ejorcadas ang CCTV kaya ito tumayo. Magsi-selfie pala ito nang naka-rock 'n' roll at dirty finger habang nasa background ang mga pulis na abalang nagtatrabaho.

Isang nakasibilyang pulis ang nakakita sa ginawa ni Ejorcadas at kinumpiska ang cellphone nito.

"Dumalaw siya dito sa station, dalawin niya yung kapatid niyang nahuli natin [dahil sa] robbery-snatching. Nagkataon naman na may pulis dun sa lobby natin na nag-uusap," sabi ni Police Major Emelito Babon, deputy station commander ng La Loma Police Station.

Bukod sa pagsi-selfie nang naka-dirty finger, nagsalita rin umano si Ejorcadas ng "f*ck the police," ayon kay Babon.

Ayon kay Ejorcadas, hindi naman siya galit sa mga pulis na nagkulong sa kanyang kapatid. Gusto lang daw niya ng profile picture para sa kanyang social media account.

"Hindi ko naman alam na masama yun. Picture lang po talaga," aniya.

Dahil sa kanyang ginawa, sinampahan si Ejorcadas ng reklamong unjust vexation ng mga pulis. —KBK, GMA News