Arestado ang isang babae sa Maynila matapos mabisto na solvent ang laman ng mga boteng plastik na nilalagyan ng mga tubig. Ang solvent, ibinebenta raw sa mga batang lulong sa naturang likido kada takal ng takip.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes, kinilala ang mga naaresto na sina Anabelle Torres at Alicia Ibañez.
Ayon sa mga pulis, nagsagawa sila ng surveillance para matunton ang pinagkukuhanan ng solvent ng mga kabataang madalas masangkot sa gulo.
Nakita ang mga solvent na tinatayang nasa 45 litro na nakatago sa isang kariton.
"Meron siyang kariton nagmumukha siyang parang vendor galon-galon ang dala niya. Itong mga dala niya mga mineral water tapos may mga lumalapit sa kaniya mga bata at doon niya binebenta takal-takal," ayon kay Lieutenant Colonel Noel Aliño, station commander, MPD-11.
Aminado si Torres na pinagkakakitaan niya ang pagbebenta ng solvent, habang si Ibañez na umano'y supplier, binibigyan lang daw ni Torres ng perang pangkain.
Isinagawa ng mga awtoridad ang operasyon matapos silang ituro ng dalawang kabataang inaresto rin na pinagbilhan nila.
Mahaharap ang mga suspek sa reklamong paglabag sa Presidential Decree No. 1619, na nagbabawal sa pagbebenta sa mga kabataan ng anumang mapanganib na bagay na may masamang apekto sa kanilang ugali o isipan.--FRJ, GMA News
