Isang truck driver ang arestado sa Maynila matapos magpanggap na pulis para makalusot sa traffic violation, ayon sa ulat ni Vonne Aquino sa Unang Balita nitong Biyernes.

Sinita ang driver na si Samuel Sy dahil sa paglabag sa number coding nitong Huwebes. Para raw makalusot, nagpakita ito ng ID ng Philippine National Police (PNP).

"Ang sabi niya pulis ako, taga-Station 6 ako. Nung i-verify namin, nagkataon naman na may nagrorondang patrol ng Station 3, kaya tinawag namin si ser. Pina-verify namin. Fake pala yung kanyang [ID]," ani Modesto Caguioa, commander ng Manila Traffic and Parking Bureau Sector 3.

Malaki raw ang pagkakaiba ng pekeng ID ni Sy sa totoong ID ng PNP.

Hindi naman itinanggi ni Sy na peke ang PNP ID niya. Ipinagawa niya lang daw ito para "iwas huli."

Ani Sy, kailangan niya ng pera kaya napilitan siyang mag-drive kahit sakop ng coding ang sasakyan niya. —KBK, GMA News