Patay nang manlaban umano sa mga pulis ang suspek na target ng buy-bust operation sa Sta. Ana, Maynila, ayon sa ulat ni Vonne Aquino sa Unang Balita nitong Miyerkoles.
Napatay ang suspek na si Raymond David sa loob ng isang paupahang apartment matapos umanong manlaban sa mga pulis Miyerkoles nang madaling araw.
Ayon sa pulisya, nagsimula ang transkasyon sa Malate area hanggang sa dinala sila ng suspek sa apartment nito sa Sta. Ana. Shabu na nagkakahalaga umano ng P500 ang nabili nila sa suspek.
Tatlong parokyano umano ni David na inabutang bumabatak sa loob ng apartment ang naaresto sa operasyon.
Isang sachet ng hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia ang nakuha sa mga suspek. —KBK, GMA News
