Mahigit isang milyong pisong halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat sa isa umanong tulak sa Quiapo, Maynila nitong Martes ng madaling araw.

Ang suspek umano ang source ng ilegal na droga sa Quiapo at iba pang lugar sa Metro Manila, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Balitanghali ng GMA News TV.

Mahigit isang buwan daw sinundan ng mga awtoridad ang umano'y tulak na si Candaw Kasim.

Matapos daw ang serye ng mga test buy at pagmamanman, naaresto si Kasim sa Quiapo.

"Nagbebenta nga talaga siya ng shabu na siguro nasa dalawa o tatlong buwan na. Pero na-surveillance namin siya. Nalaman na lang namin na nag-o-operate din siya dito sa Quiapo area mga isang buwan na rin po," ani Police Captain Kerwin Evangelista, Station Drug Enforcement Unit chief ng Manila Police District Station 3.

Nasamsam ng mga awtoridad mula sa suspek ang 200 gramo ng umano'y shabu na nagkakahalaga ng P1.3 million.

Dahil malakihan ang pagbebenta ng suspek, mga tulak din umano mula sa iba't ibang lugar sa Metro Manila ang kanyang mga parokyano.

Aminado naman si Kasim na kanya ang nakuhang kontrabando.

Pinapahatid lang daw sa kanya ito ng isang taong hindi niya kilala.

Binabayaran lang daw siya ng P3,000 para ihatid ang droga.

Pinasok daw niya ang ganitong gawain dahil madali raw makakuha ng pera.

Kumbinsido naman ang mga awtoridad na bahagi siya ng isang grupo kaya patuloy ang pagtugis sa iba pang miyembro. —KG, GMA News