Dalawang aso ang namatay matapos kapwa masagasaan sa magkahiwalay na insidente sa Ilocos Sur at  sa Maynila: ang isa nasagasaan ng trak at ang isa naman ay ng tren.

Ayon sa ulat sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, makikita sa kuha ng CCTV, makikitang nagbibisikleta ang isang batang lalaki kasama ang kanyang dalawang aso sa San Juan, Ilocos Sur.

Huminto siya saglit at itinabi ang kanyang bisikleta para kunin ang nakitang tali para sana sa alagang aso.

Saglit silang naglaro. Maya-maya, tumawid sa highway ang malaking aso.

Pero hindi napansin ng bata na sinundan ito ng maliit na aso.

Nasagasaan ng truck ang maliit na aso. Paglingon ng bata, doon na niya nakita ang nakahandusay na alagang aso.

Kinuha ng bata ang kanyang alaga, at inilagay sa basket ng bisikleta para maiuwi sa kanila.

Walang-tigil sa pag-iyak ang bata dahil namatay ang kanyang alaga.

Tinanong siya ng ilang residente sa nangyari, pero umuwi na lang ang bata dala ang kanyang alagang nasawi.

Hindi rin mapapantayan ang sakit na dinanas ng isang babae sa Maynila. Ang kanyang aso, nasagasaan naman ng tren.

Dinala nila sa veterinarian ang alagang si "Chloe." Pero sa tindi ng sugat na kanyang tinamo, nabali ang spinal cord ng aso.

At dahil kritikal at nahihirapan na ang aso, inirekomenda na raw ng beterinaryo na patulugin nang tuluyan si chloe.

Masakit man para sa amo ni Chloe, kailangan daw gawin ito dahil mahihirapan lang ang aso.

Ayon sa kanyang amo, nawala man si Chloe, mananatili ang kanyang mga alaala sa kanilang pamilya. — MDM, GMA News