Kinagiliwan online ang isang babaeng estudyante sa Taal, Batangas na halos mapaiyak na sa kahahanap sa kaniyang salamin sa mata na nasa nakasabit lang naman sa tuktok ng kaniyang ulo.
Sa ulat ng Balitanghali nitong Biyernes, itinampok ang video ni Jeizelle Jimenez Balba na tila naiinis na sa kaniyang mga kabarkada sa pag-aakalang itinago ng mga ito ang kaniyang salamin sa mata.
“Ilabas mo na! Hindi ako makakita!” sigaw ni Jeizelle, na tila naiiyak na.
Ang mga kaklase niya, hinahayaan lang muna siya na pigil sa pagtawa kay Jeizelle.
Kalaunan, kinapa ni Jeizelle ang kaniyang ulo, at doon na niya natuklasan na hindi nawawala o itinago ng kaklase ang kaniyang salamin.
Si Jeizelle man, naaliw at natawa na rin lang sa kaniyang sarili.
May mahigit isang milyon na ang views ng nakakaaliw niyang video at marami ang naka-relate sa naturang tagpo na itinuturing “sabaw moment.” – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
