Sugatan ang isang mag-ama matapos masalpok ng nag-overtake na ambulansiya ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Arayat, Pampanga. Ang ambulansiya, bumalik naman para isakay ang mga biktima papunta sa ospital.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Biyernes, mapanonood sa CCTV footage ang pag-overtake ng ambulansiya sa double solid yellow line.
Gumilid ang ilang tricycle para umiwas ang ambulansiya, pero hindi nakaiwas ang motorsiklong sinasakyan ng mag-ama kaya nasagi sila at natumba.
Bumalik naman ang ambulansiya at isinakay ang mag-ama para madala sa ospital.
Sinabi ng pulisya na may susunduin sanang pasyente na bagong panganak ang ambulansiya nang maganap ang aksidente.
Batay sa update ng mga awtoridad, nakalabas na ang ama sa ospital paro patuloy pang nagpapagaling ang 11-anyos niyang anak.
Nangako ang driver ng ambulansiya na sasagutin ang gastusin sa pagpapagamot sa mga biktima.
Batay sa RA 4136 o Land Transportation and Traffic Code, nararapat na magbigay-daan sa mga on-duty na emergency vehicles gaya ng mga truck ng bumbero at ng ambulansiya. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
