Tinutugis ng pulisya ang dalawang lalaki na nagnakaw umano sa isang tindahan at bahay sa Bacolod City. Ang mga suspek, tinakpan muna ang CCTV camera sa lugar bago umatake.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Biyernes, mapanonood ang paghinto ng isang motorsiklo bago bumaba ang dalawang sakay nito.
Maya-maya lang, binuhat ng rider ang isang mesa, tumuntong doon at tinakpan ang CCTV camera sa lugar. Dahil dito, hindi na nahagip ang mga sunod na insidente.
Sinabi ng isang residente na nilooban ng dalawang lalaki ang kaniyang tindahan at tinangay ang ang P6,000 niyang kita.
Pinasok din ng mga kawatan ang katabing bahay at ninakaw naman ang dalawang cellphone.
Patuloy ang paghahanap ng pulisya sa mga salarin, na dati na umanong may record ng pagnanakaw.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
