Muntik nang mauwi sa pisikalan ang away ng isang trans woman at isang guwardiya sa gasolinahan sa Las Piñas.

Ayon sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA "24 Oras" nitong Miyerkules, nakasagutan ng transwoman na si Ahlie Olaez ang guwardiya matapos silang masita nang pumasok silang magkakaibigan sa CR na pambabae.

"Sinagawan ako na 'Hoy mga bakla! Bawal kayo dito.' Sabi, 'Dun kayo sa mga lalaki. May ordinansa na na bawal ang mga bakla dito. May batas na' Galit na galit siya, talagang sinigawan niya ako," salaysay ni Olaez .

Nabastos umano si Olaez kaya sumagot siya.

"Para akong aso na tatabuyin mo ako dito sabi ko sa kaniyang ganun," ayon kay Olaez.

Pinigilan daw siya ng kaniyang mga kaibigan kaya nagpasya na lang silang umalis pero sinugod pa rin daw sila ng nakaaway na guwardiya.

Sa kuha ng video, makikitang bumuhat ng plastic na upuan ang guwardiya at akmang manghahampas. Si Olaez naman, nakadampot ng dustpan.

Sa kabutihang palad, naawat naman ng mga tao sa paligid ang dalawa.

"Hindi naman po isyu ang CR dito eh, ang isyu po dito bakit niya po ako sinisigawan? Bakit ganun trato niya sakin? Kaya ako nagagalit," ayon kay Olaez.

Sinubukang hingin ng GMA News ang panig ng guwardiya pero hindi siya naka-duty.

Tumanggi ring magbigay ng pahayag ang manager ng gasolinahan.

Noong nakaraang buwan, pinagbawalang gumamit ng CR na pambabae at pinosasan ang transwoman na si Gretchen Diez sa isang mall sa Quezon City. —Dona Magsino/NB, GMA News