Arestado ang dalawang Chinese national dahil daw sa pang-aabuso sa kasambahay nilang Pinay sa Parañaque City, ayon sa ulat ni Marisol Abdurahman sa Unang Balita.

Kuwento ng 27-anyos na biktima sa pulisya, natutulog siya madaling araw noong Lunes nang mamalayang nakapatong na raw sa kanya ang noo'y nakahubad nang si Yonsheng Zhao, 20 taong gulang.

"Pumatong tong isang suspek natin sa kanya at sa madaling salita, naisakatuparan yung pagsamantala sa kanya," sabi ni Police Colonel Celerino Sacro, OIC ng Parañaque Police.

Matapos daw siyang gahasain ni Zhao, naitulak umano niya ito kaya siya nakatakbo. Pero palabas pa lang daw siya ng kuwarto nang nakasalubong naman nya ang 36 taong gulang na si Zhangqiu Cheng.

"Hinawakan naman siya at hinalik-halikan, attempted to rape," ani Sacro.

Nakatakbo raw sa labas ng bahay ang biktima at nakahingi ng tulong kaya naaresto ang dalawang suspek na nagta-trabaho bilang mga call center agent.

Kapwa itinanggi ng dalawang suspek ang krimen. —KBK, GMA News