Masayahin at puno nang sigla ang siyam na buwang gulang na si Baby Jane ng Caramoan, Camarines Sur. Pero sa kabila pala nito, mayroon siyang mabigat na dinadala sa kaniyang puwetan —isang malaking bukol.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ng ina ni baby Jane na si Jessica Solano, na may bukol na sa puwet ang bata nang kaniyang isilang.
Para umanong puputok ang bukol kapag nakahiga nang maayos o matihaya ang kaniyang anak.
Paliwanag ng pediatric surgeon na si Dr. Beda Espineda, tinatawag na socrococcygeal teratoma ang bukol ni baby Jane na isang congenital defect.
"Ito ay tumutubo na parang bukol. Makikita ito during time of pregnancy. Hanggang ngayon wala pang specific na cause pero isa itong bukol na genetic o namana, o during the time of pregnancy yung mother na expose sa sakit measleas o may nainom na gamot," paliwanag ni Espineda.
Kapag hindi naoperahan ang bata, posible pa raw lumalala ang kalagayan nito dahil maaaring cancerous ang bukol.
"Karamihan kasi ng bukol na ito sa edad na ito ay benign. Pero may ilan porsyento na kapag ang bukol hindi na-diagnosed at kapag umabot siya ng isang taon, minsan nagiging malignant, nagiging cancerous," sabi ni Espineda.
Kaya naman humingi ng tulong ang single parent na si Jessica na sana ay matulungan siya upang maoperahan agad ang kaniyang anak.--FRJ, GMA News
