May mga ilang nagbibiro na mapapaanak ka sa tindi ng trapik. Pero paano na lang kung magkatotoo nga ito?
Ayon sa ulat ni Susan Enriquez sa “State of the Nation with Jessica Soho”, pinuri ang drayber at konduktor ng isang bus na binigyang halaga ang kaligtasan ng kanilang buntis na pasahero.
Kuwento ng isang nakasakay sa bus, inakalang mula sa TV ang paghiyaw ng isang babae. 'Yun pala, may nanganganak na sa kanilang bus na biyaheng Novaliches-Alabang.
Inihinto ng drayber ang sasakyan, habang tumulong ang isa pang pasahero para mailuwal ang isang batang babae.
Agad idiniretso ng drayber ang mag-ina sa pinaka-malapit na ospital.
Ayon sa isa pang viral post, isang duktor ang nagpaanak sa isang condominium building matapos siyang hingan ng tulong.
Ang buong akala ng duktor, maga-assist lang siya.
Tanging surgical gloves at medical kit lang ang kaniyang gamit sa pagpapaanak.
Agad ding naitakbo sa ospital ang mag-ina.
Sabi pa ng doktor, ang kaniyang tatlong batang anak lang ang tanging kasama ng ginang. —NB, GF
