Inaresto ng mga awtoridad sa Quezon City ang dalawang magkapitbahay na tulak umano ng ilegal na droga matapos makuha sa kanila ang 25 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P170,000.

Ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes, nakilala ang mga suspek na sina Jessica de Jesus at Cisario John Dacanay.

Magkasabwat umano sa pagbebenta ng shabu ang dalawang magkapitbahay.

Itinuro sila ng mga binabagsakan nila umano ng droga na naunang naaresto.

 

 

Mula North Caloocan, dumayo pa ang dalawang suspek sa Barangay Payatas sa Quezon City para magtulak umano ng droga.

Emosyonal ang dalawa nang maaresto ng Batasan Police sa ikinasang buy-bust operation.

Napag-utusan lang daw sila na mag-deliver sa hindi nila kilala.

Ayon sa pulisya, ang dalawa ang itinurong source ng droga ng tatlong suspek na naaresto noong Sabado sa Barangay Payatas din.

"Ang binabagsakan nila ay 'yung malalaking target natin sa street level illegal drug pushing. At ito namang mga binabagsakan nila sa atin, ang mga parokyano niyan ay mga tricycle driver, jeepney driver at mamamasura," ani Police Major Sandie Caparroso, deputy station commander ng Batasan Police.

Mahaharap ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. —KG, GMA News