Arestado sa entrapment operation ang tatlong barangay volunteers sa Quezon City na nahaharap sa patong-patong na reklamo, ayon sa ulat ni Katrina Son sa Unang Balita nitong Miyerkoles.
Bukod sa pagnanakaw at pangingikil, ginahasa rin umano ng dalawa sa mga ito ang dinakip nilang babae, na napaiyak sa galit nang makita ang mga suspek sa presinto.
Kinilala ang mga suspek na sina Nelson Tud, Ricardo de Asio, Justin Jay Tagala, at Erwin Veri, na pawang barangay volunteers ng Barangay Commonwealth.
Setyembre 14 daw nang pasukin ng mga suspek ang bahay ng biktima.
"Diretso po sila pumasok sa bahay tapos bigla nila akong pinosasan tapos hinalughog yung bahay ko. Wala sila makita tapos ang sabi nila, negative, sir, negative. Wala tayo makuha. Tapos nung lumabas na sila sa bahay yung isa biglang lumingon sinabi nabilhan ka ng shabu," kuwento ng isang biktimang pinaghinalaang tulak ng shabu.
Ayon pa sa biktima, tinangay ng mga suspek ang kanilang motor, mga cellphone at ilang mahahalagang gamit. Matapos nito, dinala raw silang mag-asawa sa Unit 1 Base ng Brgy. Commonwealth.
Dito na raw sinabihan ang lalaki na dadalhin sa San Lazaro Hospital para magpa-medical habang maiiwan daw ang kaniyang asawa.
"Sabi po kase nila kung gusto nila mapalabas yung asawa ko tsaka mabawasan yung P50,000 na hinihingi nila," anang babaeng biktima.
Matapos umanong gahasain ng leader na kinilala lang sa pangalang Mister Jose, sumunod naman daw ang isa pang suspek na si Florentino Saliao Jr.
Sa entrapment operation nitong Martes, nahuli si Saliao at ang dalawa pang kinilalang sina Eliseo Cayago at Glenard Dayao. Nakakulong na sila sa Camp Crame.
At large pa si Mister Jose.
Todo tanggi naman ang mga suspek at sinabing ginawa lamang nila ang trabaho nila dahil may nag-tip sa kanila na may mga sachet ng shabu sa bahay na iyon.
Ayon naman sa pulisya, iligal ang ginawa ng mga barangay volunteer dahil wala silang search warrant na dala. —KBK, GMA News
