Inumpisahan na nitong Huwebes ang pagdinig sa kaso ng pagsaboy ng asido ng isang homosexual sa mukha ng isang babae dahil umano sa selos, ayon sa ulat ni Glen Juego ng Super Radyo dzBB sa Balitanghali.

Humarap ang biktimang si Glory Cris Cuerda at akusado na si Ramon Collada sa pagdinig ng Pasay Metropolitan Trial Court Branch 44. Nahaharap si Collada sa kasong serious physical injury.

Pagkatapos ng pagdinig, hindi na nagbigay ng pahayag sa media si Collada.

Ayon kay Cuerda, na dumating sa pagdinig na may takip na plastic at suot na eye protection glass ang mga mata, tuluyan na raw nabulag ang kanyang kanang mata dahil sa pinsala ng asido.

Dagdag pa niya, susubukan pa ring maisalba ang kaniyang kaliwang mata na hand movement at ilaw ng flashlight na lang ang naaaninag.

Sa October 23, ipagpapatuloy ang pagdinig kung saan inaasahang ipiprisinta ang chemical analysis report ng biktima at ihaharap ang mga testigo kabilang ang mga doktor na tumitingin sa kanya.

Base sa imbestigasyon ng Pasay City Police, nagselos daw si Collada matapos malamang boyfriend na ni Cuerda ang dati nitong kinakasama kaya nagawa ang krimen.

Patuloy na humihingi ng tulong para sa kanyang pagpapagamot si Cuerda. Nagbigay na ng tulong ang kaniyang pinagtrabahuang kumpanya.

Sa mga nais magpaabot ng tulong, maaaring makontak si Cuerda sa numerong 09104396811. —Joviland Rita/KBK, GMA News