Nilinaw ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Oscar Albayalde nitong Lunes na walang kinalaman sa pagbubunyag ng umano'y "ninja cops" kaya inalis ang 15 security escort na pulis ni Philippine Drug Enforce Agency (PDEA) chief Aaron Aquino.

“No, actually that is just a coincidence,” sabi ni Albayalde sa mamamahayag nang matanong tungkol sa pahayag ni Aquino kung bakit tila nagkataon na may imbestigasyon tungkol sa ninja cops nang alisin ang kaniyang police escorts.

Ang ninja cops ay mga pulis na umano'y sangkot sa kalakaran ng ilegal na droga at nagre-recycle ng mga masasabat na droga.

Nitong September 18, isiniwalat ni Aquino ang umano'y “Manila drug queen” na bumibili ng mga ni-recycle na nakukumpiskang droga ng mga tiwaling pulis.

Ayon pa kay Aquino, aabot sa 53 ang pulis na nasa listahan nila ng ninja cops.

Sa Martes, magpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ang Senado tungkol sa naturang usapin ng mga pulis na sangkot umano sa droga.

Sabi ni  PDEA spokesperson Derrick Carreon, ang Police Regional Office 3 ang nag-utos na bawiin ang police security escort ni Aquino noong September 18.

Ayon kay Albayalde, ipinaliwanag ng PRO 3 na ni-recall ang mga pulis na nakatalaga kay Aquino dahil kakailanganin ang mga ito kaugnay sa paghahanda sa Southeast Asian (SEA) Games.

Gayunman, sinabi ni Carreon na nadiskubre ni Aquino na hindi sa SEA Games gagamitin ang inalis sa kaniyang mga police escorts. Kaya hiniling daw ng PDEA chief kay Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik ang mga ito sa kaniya para sa seguridad niya at kaniyang pamilya.

Nitong September 26, inaprubahan daw ni Duterte ang naturang kahilingan ni Aquino.

Ayon kay Albayalde, masyadong marami ang 15 police security contingent kay Aquino na galing sa regional mobile group ng PRO 3.

Inatasan na umano niya ang Regional Director ng PRO 3 na bigyan na muna sa ngayon ng nasa apat na security detail si Aquino habang pinoproseso pa ang kahilingan ng PDEA chief.

Idinagdag ng pinuno ng kapulisan na nais niyang patas sa iba upang hindi maakusahang may pinipili sa pagbibigay ng mga security escort.

“Baka naman, yung iba naman, then sasabihin nila may double standard na naman kami with 15 securities na nasa kanya,” sabi ni Albayalde. — FRJ, GMA News