Isang grab driver ang inireklamo sa Quezon City Police District ng kaniyang babaeng pasahero dahil umano panghahalik at paghawak sa kaniyang balakang.

Ayon sa ulat ni Katrina Son sa GMA News "Saksi" nitong Martes, sinabi ni Anna, hindi niya tunay na pangalan, na nag-book suya sa Grab ride sa Timog Avenue, Quezon City dakong 1:00 am nitong Linggo.

Nakainom daw noon ang biktima dahil dumalo siya sa birthday party ng kaibigan. Katunayan, ilang beses pa raw niyang pinatigil ang sasakyan para sumuka.

Dito daw napansin ng biktima na iba na ang ikinikilos ng Grab driver na kinilalang si Joel Sabejon Aguelo.

"Yung Driver po he kept on looking at me. As in umiikot po talaga yung katawan niya, tinitingnan nya ako. Tapos he told me na I was pretty daw," ani Anna.

Ayon sa biktima, tinanong pa raw siya nito kung single ba siya at kung nobyo niya ang isa sa mga naghatid sa kanya sa sasakyan.

Idinagdag pa ni Anna na kinukuha pa raw ni Aguelo ang cellphone number niya pero hindi siya kumibo.

Nang makapasok na sila sa subdivision, bigla raw itinigil ni Aguelo ang sasakyan at ini-lock lahat ng pinto ng kotse at ihiniga ang kaniyang upuan.

"He was leaning on me and then biglang he kissed me po sa lips and may hawak din po dito sa hips. Tapos dun na po ako parang sobrang na freeze kase I was in fear of my life," kuwento pa ni Anna.

Ayon sa biktima, nagmakaawa raw siya kaya tumigil si Aguelo matapos ang ilang minuto.

Nang makakuha ng tiyempo, lumabas na raw si Anna at tumakbo pauwi.

Lumapit na raw si Anna sa Grab pero trinato umano ang nangyari sa kaniya na maliit na insidente lang.

"Came to grab and this is not a minor incident po kasi but they treated it as such and I was in grabeng trauma sobrang traumatized [...] I have to step up and fight because somehow Grab has more importance in saving their name than protecting their customers," anang biktima.

Sa pahayag naman ng Grab Philippines, sinabi nito na hindi nila kinukunsinti ang mga ganoong klaseng gawin at binigyan-diin nila ang paninindigan laban sa karahasan at mga mapanganib na gawain.

Idinagdag pa ng Grab na inalis nila ang inirereklamong driver-partner at tumutulong din sila sa pagsasampa ng kaso rito.

Pinapaalalahanan ng Grab na tumawag agad at mag-report sa kanilang hotline sa tuwing may mga ganitong pangyayari.

Samantala ayon sa ulat, sinubukang kunin ng GMA News ang panig ni Aguelo ngunit hindi nito sinasagot ang tawag. -- Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA News