Arestado ang dalawang lalaking sa Maynila na nagpanggap na nagso-solicit para sa kanilang basketball team. Nabuking ang dalawa na ang pakay pala ay pagnanakaw.

Sa isang ulat sa Balitanghali Weekend nitong Sabado, ipinakita na paglabas sa isang tindahan, nagmadaling tumakbo sa katabing iskinita ang dalawang lalaking. Ang isa sa kanila, tila may itinago pa sa shorts sabay takbo.

Bitbit na pala nila noon ang mga ninakaw nilang wallet at cellphone mula sa poultry supplies shop sa Sampaloc, Maynila.

Kuwento ng biktima si Reneil Tañala, "Mag-sosolicit sila para sa jersey lang po tapos yung isa. Yung mataas po. Sabi niya SK daw po siya ng ano.... sa barangay nila po."

Abala raw siya noon sa pag-asikaso sa isang customer. Sinabihan daw niya ang mga ito na bumalik na lang dahil wala pa ang kanyang boss.

"[Pero] may bumibili pong customer samin eh... Sabi ko balik na lang kayo mamaya kasi wala yung boss namin. Tapos yun po, 'di namin alam na nakuha na pala," sabi ng biktima.

Bago nito, nagpunta na pala ang dalawa sa printing shop na katabi ng tindahan. Wala naman daw nakuha ang dalawa.

In-upload ng mga biktima sa facebook ang mga video, hanggang sa may nag-comment sa kinaroroonan ng mga ito.

Dinampot ng mga taga-barangay at dinala sa police station ang dalawang suspek na sina Louise Chrise Allan Davac at Marvin Soliman, edad 27 at 21 anyos.

Si Soliman, miyembro umano ng bahala na gang at dati na raw nahuli dahil sa droga.

Aminado naman ang dalawa sa krimen. Ayon kay Soliman, "[nagawa namin iyon] dahil panggastos lang namin sa araw araw... Wala rin ho kami trabaho."

Ayon naman kay Dvac, " Nagkataon lang po nagkaganon yon pero hindi naman po talaga namin gawain yon."

Nakuha sa bahay ni Soliman ang ninakaw na cellphone at wallet, pero wala na ang laman nitong P1,000. 

"Yung pinakamabuti nito eh bantayan nilang mabuti at ingatan nila yung mga gamit nila," ayon kay Police Staff Sergeant Mark Jason Ramos, imbestigador mula sa Sampaloc police.

Nakakulong ngayon sa sampaloc police station ang dalawa na mahaharap sa kasong theft. — MDM, GMA News