Nagbabala ang Manila Water Co. Inc. na magkakaroon ng malakihang pagtaas sa singil sa tubig sa kanilang mga siniserbisyuhan kapag ipinatupad ang utos sa kanila ng Korte Suprema na dapat nilang sundin kaagad ang isang probisyon na itinatakda sa Clean Water Act.
Ang pagtikular na tinutukoy sa utos ng SC nitong Agosto ay ang Section 8 ng naturang batas na nag-aatas sa mga water concessionaire na ikonekta ang kasalukuyang sewage lines ng mga subdivision, condominium, commercial centers, hotel, ospital at ibang pang establisyimento sa mga sewerage system.
Ang sewerage system ang kumokolekta ng maduming tubig mula sa mga bahay at establisimiyento papunta sa sewage treatment plants para malinis ito bago pakawalan muli sa mga ilog at iba pang daluyan ng tubig.
Kung gagawin na umano ito kaagad ng kompanya, kakailangan nilang gumastos at ipapasa nila ito sa singil sa kanilang consumer na aabot sa P26.70 per cubic meter.
Sa naturang kautusan ng korte, pinapatawan din ang Manila Water, Maynilad, at maging ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ng P921,464,184 milyon bilang multa dahil sa paglabag sa Clean Water Act.
Pero nanindigan ang Manila Water na sumusunod sila sa kanilang responsibilidad sa ilalim ng CWA kaya hindi sila dapat pagmultahin.
Sa kanilang motion for reconsideration na inihain nitong nakaraang linggo, iginiit nila na walang basehan ang ipinataw sa kanilang multa.
“For one, it said Sec. 8 of CWA simply required MWSS, Manila Water and Maynilad to interconnect the ‘existing’ water lines of households, condominiums, subdivisions, among others, to the ‘available’ sewer lines of the concessionaires,” paliwanag ng kompanya.
Noong 2009, nagawa na raw ng Manila Water na maikonek ang 61,000 sa 63,000 ng kanilang konsumer sa sewer trunk.
“The rest could not be interconnected because the ‘available’ sewers would be compromised if overloaded. But since then, the company had installed additional sewers and spent billions of pesos more than it had collected for the purpose,” paliwanag nila.
Para daw makasunod ang Manila Water sa utos ng SC sa nalalabing konsumer na hindi pa nakakonekta, gagastos daw sila ng napakalaking pondo na magiging dahilan ng paglobo ng singil sa tubig.
“Worse, traffic is also to be expected since hundreds of kilometers of roads, including EDSA, which are part of the Manila Water’s East Zone, would have to be dug up all at the same time,” sabi ng Manila Water.
Sa ulat ni Lei Alviz sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, pinalagan ni RJ Abellana ng United Filipino Consumers and Commuters, ang babala ng kompanya na ipasa sa konsumer ang gastusin sa kapabayaan nila sa pagtatayo ng nararapat na sanitation facilities.
Tiniyak naman ng MWSS Regulatory Office, na bagamat pinapayagan ang pass-on charge sa pagpapahusay ng ilang pasalidad tulad ng sewerage, kailangan pa rin daw itong suriin at pag-aralan kung aaprubahan.--FRJ, GMA News
