Pinangalanan ni Senador Christopher “Bong” Go nitong Biyernes ang tatlong senior police officer na nasa shortlist ng pagpipilian ni Pangulong Rodrigo Duterte para maging susunod na pinuno ng Philippine National Police.
Ayon kay Go, ang tatlong opisyal ay sina Police Lieutenant General Francisco Archie Gamboa (Deputy Chief PNP for Administration), Police Lieutenant General Camilo Pancratius Cascolan (Deputy Chief PNP for Operations), at Police Major General Guillermo Eleazar (Chief of Directorial Staff).
Bago naging Chief for Directorial Staff si Eleazar, siya ang pinuno ng kapulisan sa National Capitol Region o NCRPO Chief, na ibinigay naman kay Police Brigadier General Debold Sinas, na dating regional director ng Central Visayas Police Regional Office (PRO-7).
Ayon kay Go, naniniwala siyang bibigyan ng konsiderasyon ng pangulo sa pagpili ng susunod na PNP ang "seniority" at kung sino ang may kakayahang pag-isahin at linisin ang hanap ng kapulisan.
“Importante po is trust and confidence at sino po yung makakapag-unite at makakapagpatuloy sa internal cleansing diyan sa PNP. ‘Yung chief PNP na may bayag linisin at ihiwalay ang mga bulok kahit na kasamahan nyo sa PNP, tirahin nyo basta scalawag at ninja cops,” sabi ng senador.
Posible umanong gawin ang paglilipat ng kapangyarihan ng bagong PNP chief sa Oktubre 29, o sampung araw bago ang opisyal na pagreretiro ng kasalukuyang hepe ng PNP na si Police General Oscar Albayalde.
“Sa calendar ng Pangulo sa October 29 po. Kasi pupunta siya sa ASEAN (Association of Southeast Asian Nations Summit) sa first week (ng November). Naka-schedule sya pumunta ng Bangkok, Thailand so naka-schedule na rin ang turn-over ng PNP,” paliwanag ni Go.— FRJ, GMA News
