Dulot umano ng "muscle spasm" o pananakit ng kasu-kasuan ang naramdamang pananakit ng likod ni Pangulong Rodrigo Duterte kaya walang dapat na ipag-alala, ayon kay Senador Christopher "Bong" Go.

"He is okay naman po. No need to worry at muscle spasms daw po iyon," pahayag ni Go sa mga mamamahayag nitong Miyerkules nang matanong tungkol sa kalagayan ng kalusugan ng pangulo.

"Komunsulta siya sa kaniyang mga doktor at nagpa-MRI po siya at wala naman pong nakitang dapat ikabahala," patuloy ng senador.

Matatandaan na napauwi nang maaga si Duterte nitong Martes mula sa kaniyang biyahe sa Japan para sa enthronement ni Emperor Naruhito dahil umano sa "unbearable pain" sa kaniyang spinal column na malapit sa pelvic area.

READ: Duterte, nakaramdaman ng matinding sakit sa spinal column habang nasa Japan

Pinaniniwalaan na ang naramdaman sakit na iyon ng pangulo ay dulot ng pagkakatumba niya sa motorsiklo noong nakaraang linggo.

Mag-uwi ni Duterte mula sa Japan nitong Martes ng gabi, dumiretso ang pangulo sa burol ni dating Senate President Aquilino "Nene" Pimentel Jr., ang nagtatag ng Partido Demokratiko Pilipino.

"Sabi ng mga doktor niya, mga expert ito, ang mga neurosurgeon niya before pa, ay wala daw pong dapat ikabahala. Purely muscle spasm," saad ni Go.

'PINOY MD': Ano ang tinatawag na 'lamig' sa katawan at ano ang sanhi nito?

Pinayuhan umano ng mga duktor si Duterte na magpahinga ng ilang araw at uminom ng gamot.

"May mga medisina na dapat at kailangan po magpahinga. He was advised to rest. Masakit talaga dahil sa pagkabagsak niya sumakit ang likod. Nakita niyo kahapon kaya bumili ako ng cane dun sa Japan,” sabi ni Go.

Inakala din daw nila noong una na baka nagkaproblema ang pangulo sa gulugod nang bumagsak mula sa motorsiklo pero lumitaw na negatibo ang resilta sa mga pagsusuri ng doktor.

"Ang ikinabahala namin at first kung tinamaan ang kanyang spine pero salamat sa Panginoon walang dapat ikabahala. Tiningnan ng doktor kung meron bang naipit na ugat that caused the pain, wala naman po. Pure muscles spasm at ang gamot para dun," ayon pa sa mambabatas.

Sa kabila nito, sinabi ni Go na walang magbabago sa schedule ni Duterte sa mga darating na araw. Kabilang dito ang Association of Southeast Asian Nations Summit na gaganapin mula November 2 hanggang 4.

Pinabulaanan din ni Go ang mga tsismis na hindi nabigyan ng kaukulang atensiyon si Duterte bilang lider ng bansa sa Japan kaya nagpasya itong umuwi na lang nang maaga.

“There’s no truth. Lahat po sila ay binigyan ng pare-parehong atensyon, lahat ng leaders ay pare-parehong atensyon. Si Pangulong Duterte ay hindi nagpapaimportante, mas gusto niya nasa likod siya," ayon kay Go. —FRJ, GMA News