Hindi umubra ang modus na "dugo-dugo" na tumawag sa telepono ng kaniyang bibiktimahin para makuhanan ng pera. Pero bukod sa palpak ang modus, nakuha rin ng bibiktimahin ang telephone number ng suspek dahil mayroon silang "caller ID."
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, ikinuwento ng ni Rhea, 'di niya tunay na pangalan, na isang tawag sa telepono sa kanilang bahay ang sinagot ng kanilang kasambahay.
Ayon sa nagpakilalang "Cecille" na nasa kabilang linya, naaksidente raw ang ina ni Rhea, at ginagamot. Pero nagbago raw ang paliwanag nito at sinabing nasa police station dahil naaksidente ang sasakyan.
Doon na raw lalong kinutuban si Rhea na modus ang balak ng kaniyang kausap dahil nasa bahay ang sasakyan ng kaniyang ina.
"Kaya nung nagka-hint na ako sabi ko, 'Sige teka lang ha tatawagan ko yung cellphone.' Nung pagka sabing pagkasabi ko na tatawagan ko yung cellphone biglang binababa yung phone," idinagdag nito.
Ang modus ng dugo-dugo gang ay ang pagtawag sa mga telepono at sasabihing naaksidente ang may-ari ng bahay. Kasunod nito ay uutusan ang kanilang kausap na bibiktimahin na magdala ng pera o maglabas ng alahas sa ituturong lugar.
Dahil mayroong caller ID ang telepono nina Rhea, naireklamo nila ang numero ng tumawag sa pulisya.
Handa naman raw ang Philippine National Police (PNP) Anti Cybercrime Group (ACG) upang tulungan ang pamilya nila Rhea na ma-trace ang tumawag.
Babala ng pulisya, posible raw na nakukuha ng mga dugo-dugo gang ang mga impormasyon ng kanilang bibiktimahin sa pamamagitan ng mga form na sinasagutan kung saan inilalagay ang pangalan at telephone number.
"Maging maingat din tayo sa mga binibigay din nating information. Yung sa mga social media accounts natin huwag tayo basta naglalagay dun ng mga contact number,” payo ni PIO-PNP ACG Captain Jeck Robin Gammad.
Ang mga napapatunayang gumagamit ng telepono upang manloko at magnakaw ay maaring humarap sa mga reklamong Telecom Fraud, Swindling o Estafa na may kaugnay sa Anti Cybercrlime Law, ayon sa ulat. -- Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA News
