Sa kulungan ang Undas ng nasa 50 Pilipinong nahuli sa aktong nagtatrabaho para sa isang international cybersex syndicate.

Ayon sa eksklusibong ulat ni John Consulta sa Unang Balita nitong Biyernes, sinalakay ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation Cybercrime Division ang ikalimang palapag ng isang gusali sa Makati City kung saan umano nagaganap ang operasyon ng grupo.

Huli sa akto habang abala sa kanilang work station ang nasa 50 Pilipinong nagtratrabaho dito. Puros technical support team ng cybersex operation daw ang nahuli.

Tumambad sa mga ahente ang mga software na ginagamit ng grupo at links ng mga live sex cam ng sindikato na nasa ibang bansa.

"Aalukin na nila ito kung gusto nila mag-avail ng service. Bibigyan sila ng links kung saan, sino yung panonooring hubad na models," ani Francis Señora, special agent ng NBI Cybercrime Division.

Tikom naman ang bibig ng mga naaresto nang subukan ng GMA News na kunan ng pahayag.

Kinumpiska ng NBI ang lahat ng mga computer ng mga inaresto na magiging ebidensya sa kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act. —KBK, GMA News