Patay ang isang lalaking umaawat lang raw sa gulo nang barilin sa ulo sa isang bar sa Las Piñas City noong Sabado ng madaling araw.

Kinilala ang biktima na si Lauro Velasquez III, 40, may-ari ng isang vape shop.

Ayon sa pamilya ng biktima, nasa bar si Velasquez para sa kaarawan ng kanyang kaibigan ng mangyari ang gulo.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, nagsimula ang gulo nang may babaeng binastos umano sa labas ng bar, ayon sa imbestigador ng kaso na si Police Chief Master Sergeant Randy Tenedero.

Dalawang grupo raw ang nag-away pero inawat ng kaibigan ni Velasquez at napaghiwalay niya ang mga ito.

Pero maya-maya raw ay bumalik ang isang grupo at may dala nang baril.

Dito na umawat si Velasquez.

Nakipagbuno raw ito sa gunman hanggang paputukan ng baril sa ulo.

Isa pang kaibigan ni Velasquez ang tinamaan ng bala sa hita pero nasa maayos nang kondisyon ngayon.

Isinugod pa sa ospital si Velasquez pero binawian din ng buhay.

 

 

Naaresto na ang dalawa sa apat na suspek.

Sa parehong ospital din naman isinugod ang umano'y gunman na si Carlo Miranda na nagtamo raw ng head injury.

Doon na siya inaresto pati na ang nagdala sa kanya sa ospital na si Joshua Castillo.

Naka-hospital arrest ngayon si Miranda habang nakakulong sa Las Piñas Police station si Castillo.

Pinaghahanap naman ang dalawa pa nilang kasamahan na si Banjo Miranda at isa pang 'di nakikilalang lalaki.

Sinampahan na silang lahat ng reklamong murder.

Apat na basyo ng bala ang nakita sa crime scene. Isa rito ay galing sa kalibre .45 na baril.

Nanawagan ng hustisya at proteksiyon ang pamilya ng biktima.

Ipinagmamalaki raw kasi ng mga suspek na malakas sila sa lungsod. —KG, GMA News