Inilawan na ngayong Miyerkules ng gabi sa pangunguna ni Manila Mayor Isko Moreno ang Christmas tree ng Manila Hotel.
May Pinoy touch ang mga dekorasyon sa naturang hotel dahil ginamitan ng handwoven fabric at binordahan ng mga disenyo na kadalasan nakikita sa kasuotang Pinoy na barong.
Maging ang mga parol sa lobby ng hotel ay binordahan din at ginamitan ng handwoven fabric mula pa sa Iloilo.
Tatlong komunidad daw mula sa Iloilo ang nagtulong-tulong para magawa ang mga dekorasyon.
Nilagyan din ng mga palamuting gawa sa kapis ang lobby ng hotel.
Nais daw ipakita ng pamunuan ng hotel sa pangunguna ni Joey Lina ang talento at mga produktong Pinoy sa dekorasyon nila ngayong Pasko.
Ayon sa presidente ng manila hotel na si Joey Lina ang pagpapailaw sa christmas tree ay nagduduloy ng kasiyahan sa lahat at dahil sa mga palamuting ito mararamdaman ang tunay na diwa ng pasko.
Naging bahagi rin ng programa ang mga bata sa House of Refuge, isang shelter na kumukopkop sa mga batang ulila, inabuso at inabandona, na tinutulungan ng hotel.-- Jaime Santos/FRJ, GMA News

