Pinoy na Pinoy ang tema ng Christmas tree ng Manila Hotel na pinailawan noong Miyerkules ng gabi sa pangunguna ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso.
Hindi pangkaraniwan ng Christmas tree ng Manila Hotel, dahil ginamitan ito ng handwoven fabric at binordahan ng disenyong kadalasan nakikita sa barong –traditional na kasuotang Pinoy.
Lalong pinaganda ang hotel lobby ng mga parol na binordahan at ginamitan din ng handwoven fabric mula sa Iloilo.
Tatlong komunidad umano mula sa Iloilo ang nagtulong-tulong sa pagborda sa mga disenyo ng Christmas tree.
Dagdag pa sa pagkinang ng hotel lobby ang mga palamuting gawa sa capiz.
Nais daw i-showcase ng Manila Hotel ang talento at mga gawang Pinoy.
Pahayag ng presidente ng hotel na si Joey Lina, ang pagpapailaw sa Christmas tree ay nagdudulot ng kasiyahan sa lahat, at dahil sa mga palamuti mararamdaman ang tunay na diwa ng Pasko.
Nakadagdag pa sa Christmas atmosphere ang Christmas songs na handog ng Hail Mary Queen Children’s Choir.
Isa pa sa nagdagdag-kulay sa pagdaos ng Christmas tree lighting event ang handog na sayaw ng mga bata mula sa House of Refuge –isang shelter na kumukopkop sa mga batang inabandona, naulila, at pinagmamalupitan.
Isa pa sa highlight ng naturang event ang patuloy na pagtulong ng sa mga bata ng House of Refuge ng Manila Hotel, na doon din ay nagbigay ng tseke bilang tulong pinansyal.
Nakatanggap din ng regalo mula kay "Santa Clause" ang mga bata. Na-enjoy din ng mga guest ang pagpapapicture kay Santa Clause at sa giant teddy bear mascot. —GMA News

