Nabasag ang ilong at nagkabukol sa mukha ang isang enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) matapos siyang gulpihin ng bus driver at konduktor na hindi nagustuhan ang kaniyang paninita.
Ayon sa ulat ni Mark Makalalad ng Super Radyo dzBB sa Balitanghali nitong Biyernes, naganap ang insidente sa labas ng isang mall sa Ortigas.
Kinilala ang mga suspek na sina Harold Dave Reyes, driver ng Diamond Star Bus, at konduktor nito na si Rolly Sabayon. Kapwa arestado ang dalawa.
Ayon kay MMDA Traffic Enforcer 2 Jeffrey Torres, nakaalitan ng kasamahan niyang si Arvin Gabay, naka-assign sa sidewalk clearing operations group, ang mga suspek.
Nangyari ang insidente pasado 7 a.m. kung saan overstaying umano sa loading at unloading area sa labas ng isang mall sa EDSA Ortigas ang bus nina Reyes at Sabayon.
Nagdulot umano ng pagbabara sa daloy ng trapiko sa lugar ang pag-aabang ng pasahero ng bus driver at konduktor lalo’t rush hour pa.
Sinisita ni Gabay ang dalawa, pero hindi nagustuhan nina Reyes at Sabayon ang paninita ng biktima sa kanila.
Dito na sila bumaba ng bus, hinamon ng suntukan si Gabay, at pinagtulungang bugbugin ang MMDA Enforcer.
Naisugod na sa ospital si Gabay na patuloy na nagpapagaling samantalang nadala na sa Police Station 12 ang driver at konduktor ng bus na mahaharap sa reklamong physical injury. —Jamil Santos/KBK, GMA News
