Huling-huli sa dashcam ng isang sasakyan ang pagbundol ng isang humaharurot na pick-up truck sa isang ginang sa Taguig City. Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang biktima pero hindi huminto ang nakabangga.
Sa exclusive report ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Miyerkules, kinilala ang 48-anyos na biktima na si Rosalie Duzon Milallos.
Nangyari ang insidente noong nakaraang Biyernes ng gabi. Tumatawid ang biktima matapos umanong maghatid ng kaniyang paninda nang biglang sumulpot ang humaharurot na pick-up truck.
Isang sasakyan na may dashcam ang nakakita sa pangyayari. Tinangka niyang habulin ang pick-truck pero nabigo siya.
Sa tulong ng video, natunton ng mga awtoridad kung kinaroroonan ng pulang pick-up truck at nalaman kung kanino ito nakarehistro.
Nang makapanayam ang biktima, sinabi niya na hirap pa rin siyang makakilos at hindi pa makapagtinda dahil sa nangyari. Labis ang sama ng loob niya dahil sa ginawang pag-iwan sa kaniya ng nakabangga sa kaniya.
"Basta naramdaman ko, tumama na yung sasakyan sa katawan ko. Bigla po yung sulpot niya," anang ginang.
"Sana man lang tinulungan niya ako nung na aksidente niya ako. Akala ko hihinto siya, dire-dirediretso lang siya. Humingi na ako ng tulong, nakita ko nagtatakbuhan na yung mga guwardiya at marshal," naluluhang sabi pa ng ginang.
Ayon sa pulisya, nangako ang registered owner ng sasakyang nakadisgrasya na haharap siya sa nakatakdang pag-uusap ng magkabilang panig sa police station sa Miyerkules.
Inaalam na rin daw ng registered owner ng sasakyan kung sino ang nagmamaneho ng pick-up nang maganap ang insidente.
Nais naman ng anak ng biktima na mapanagot at mabigyan ng leksyon ang driver na nag-hit and run sa kaniyang ina.-- FRJ, GMA News
