Mahigit P1 milyong halaga ng shabu ang nasabat sa isang estudyante na isa umanong tulak, at nahuli rin ang tatlo niyang parokyano sa Quezon City.
Kinilala sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita ang suspek na si Jeth Russel Biatin, 21, na isang alternative learning student (ALS), at taga-Old Balara, Quezon City.
Nahuli rin ang tatlo niyang parokyano –ang may-ari ng bahay na si RJ Viovicente, isang Gerry Roxas, at isa pang Antonio Neri.
Nasamsam mula sa kanila ang aabot sa 150 gramo ng umano’y shabu na itinago sa kahon ng cellphone. Tinatayang aabot sa P1 milyon ang halaga ng umano'y droga.
Pahayag ni Police Lieutenant Col. Romulus Gadaoni, hepe ng Batasan Police Station, "Yung source ng kanilang droga ay nanggagaling pa sa Bicutan. Itong mga nahuli na ito ay nakakaubos sila ng halos kalahating kilo ng droga sa loob lamang ng isang linggo.
Pahayag naman ng pangunahing suspek na si Jeht, "Nagipit lang po. Wala na po akong mga magulang ako na lang po bumubuhay sa mga kapatid ko."
Ginagawa umanong drug den ang bahay kung saan naaresto ang apat. —LBG, GMA News
