Hindi man daw niya pina-"stop" ang paghagupit ng bagyong "Tisoy," sinabi ni Pastor Apollo Quiboloy na hindi rin mai-"stop" ang pagtulong nila sa mga biktima ng kalamidad.

Sa panayam sa radyo na naka-post sa Facebook, sinabi ng pinuno ng Kingdom of Jesus Christ na hinayaan niyang dumaan sa bansa si "Tisoy" dahil baka magalit daw ang mga "basher" kapag pinatigil niya ito.

"Kasi nung ini-stop ko yung earthquake, nagalit man sila. Binash ako ng napakarami. So, baka i-stop ko yung bagyo magalit baka magalit na naman. O, kaya pinabayaan na natin," patungkol ni Quiboloy sa nangyaring lindon sa Mindanao noong Oktubre na pinatigil daw niya.

"Mag-pray na lang tayo 'yung bagyo lumampas na lang. E, di ngayon normal na. Tulungan na lang natin 'yung mga nasalanta," dagdag niya.

Sa Facebook post nitong Huwebes, hinikayat ng self-described "Appointed Son of God" ang kaniyang mga tagasunod na magdasal.

Idinagdag niya na nakahanda silang tulungan ang mga naging biktima ng kalamidad.

"Ang hindi mai-stop diyan 'yung tulong namin," sabi ni Quiboloy

Una rito, sinabi ni Quiboloy na dapat magpasalamat ang mga tao dahil "pinatigil" niya ang lindol noong Oktubre sa Mindanao.

"Ako'y umiinom lang ng kape eh, lumilindol. Sinabi ko, 'lindol huminto ka!' Huminto," kuwento niya noon sa kaniyang programa sa telebisyon.— FRJ, GMA News