Lumutang na sa pulisya ang live-in partner ng babaeng Chinese na sapilitang isinakay sa van noong Lunes ng gabi sa Makati City. Kabilang ang lalaki sa itinuturing "person of interest" sa kaso.
Ayon sa ulat ni Chino Gaston para sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing humarap sa Makati Police ang dayuhang si Chen Tangbin, na itinuring isa sa dalawang persons of interest sa kaso dahil sa pabago-bago niyang pahayag.
“Tinanong namin siya kung nasaan siya. Nag-validate kami kung nandoon nga siya doon sa kanyang mga binabanggit na lugar and it turned out negative,” ani Police Colonel Rogelio Simon, hepe ng Makati Police.
“If you are the immediate family of the victim hindi ganyan yung actuations mo e, dapat nakikipagtulungan ka na sa kapulisan,” dagdag ng pulis.
Sa isang Philippine Offshore Gaming Operator o POGO raw nagtatrabaho si Chen, pati na ang biktima.
Matatandaang kumalat sa social media ang cellphone video ng pagkuha sa babaeng Chinese noong Lunes.
Ayon sa mga saksi, naglalakad ang biktima kasama ang dalawang tao. Kusa silang pumasok sa van, ngunit nang lumabas ang biktima ay sapilitan siyang ipinasok sa sasakyan na biglang humarurot papalayo.
Nalaglag mula sa van ang ilang mga dokumento kabilang ang deed of sale ng mag-live in partner at isang Zhu Jianwei, ang ikalawang person of interest.
Kuwento ni Simon, nangako raw si Chen na makikipagtulugan at magsasampa ng reklamo sa ka-transaksyon niyang si Zhu.
“‘On what grounds?' sabi ko. So parang meron silang idea at meron silang information na hawak hawak at alam nila itong parte ni Jianwei Zhiu ang may hawak dun sa asawa,” ayon kay Simon.
Pinaghahanap na si Zhiu at may isang subdibisyon sa Metro Manila ang binantayan dahil sa impormasyon na nakita sa lugar ang van.
Nauna nang ipinasuri ang nakuhang plaka sa van na lumitaw kinalaunan na para sa ibang sasakyan.
Pinapasuri na rin ang narekober na piyesa mula sa van na nalaglag at may nakalagay na barcode.
Ayon kay Simon, dati na silang nakatatanggap ng report ng kidnapping ng Chinese nationals sa Makati. Lumilitaw na ang mga kinukuhang "biktima" ay sinisingil sa kanilang mga utang ng mga employer ng POGO.
“Ito ‘yung first time talaga na tinutukan namin at kino-consider namin na merong abduction na nangyari,” saad ni Simon, bagaman wala pa raw natatanggap na impormasyo na humihingi ng ransom ang may hawak sa babaeng Chinese.-- Julia Mari Ornedo/FRJ, GMA News
