Nabisto ang paglilitson ng ilang baboy na walang permit sa Barangay Payatas, Quezon City,  na isa sa mga lugar na na-quarantine noon matapos magpositibo sa African Swine Fever.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News TV "Balitanghali" nitong  Lunes,  sinabing naabutan mismo ng tauhan ng Quezon City Veterinary Office at pulisya,  ang ninilitsong na baboy at 13 pang buhay na baboy sa isang compound sa Brgy. Payatas.

Hinuli ang may-ari ng mga baboy na si Segundo Castro, na panay ang pakiusap na hayaan na lang siyang maibenta ang mga baboy na kaniya umanong kabuhayan.
"Kasi ang pagkakaalam namin talaga, 'yan eh napapatay na, na-cull na namin lahat ng baboy dito sa Payatas. May pailan-ilan lang na talagang tinatakas na nila," sabi Dra. Ana Maria Cabel, QC veterinarian.

Inamin ni Castro na galing din sa barangay ang kaniyang mga baboy at ang ilan dito sa bakuran lang daw nila kinakatay.

"Iyan lang ang hanapbuhay namin kasi. Tatlong buwan na nung nagkasakit ako, dinala ako sa doktor walang ibang maghanap-buhay kundi ako lang din," sabi niya.

Ibinebenta raw niya ang mga nililitson na baboy sa palengke sa Galas at ilang kapitbahay.

Napasugod din sa lugar si Roger Ablong, na namuhunan daw ng P30,000 para magpalitson.  Problema niya kung papaano mababawi ang kaniyang pera.

Tiwala raw siya na ligtas ang mga baboy dahil may "papel" daw na galing sa Bulacan. 

Hiling ni Castro,hayaan silang maubos ang mga baboy. Pero ang nalitson na baboy lang ang pinayagan ni Cabel na kainin ng pamilya at hindi ibebenta.

Pero kukumpiskahin na para patayin ang mga buhay na baboy dahil sa pag-iingat pa rin sa ASF.

Sinabi ng mga awtoridad na bukod sa walang roasting permit si Castro, nilabag din niya ang Food Safety Act at Illegal Slaughtering na may multang P200,000 hanggang P1 milyong, at kulong na anim na taon.

Payo ng mga awtoridad sa mga bibili ng litson lalo na ngayong kapaskuhan, hanapin ang meat inspection certificate sa mga tindahan para makasigurong walang sakit ang litson. -- FRJ, GMA News