Hindi naging maganda ang pagsalubong ng Bagong Taon ng daan-daang pamilya sa iba't ibang lugar sa Metro Manila matapos masunog ang kanilang mga tirahan. Ang isa sa mga pamilya, doble pa ang pasakit dahil namatayan sila ng kamag-anak.

Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, sinabing nabulabog ang mga residente sa Santa Ana sa Maynila nang salubungin sila ng naglalagablab na apoy ilang oras matapos magpalit ang taon.

Nasa 150 bahay na gawa sa light materials ang mabilis na kinain ng apoy.

Rumesponde na rin ang mga bumbero ng ibang fire district dahil umabot sa Task Force Bravo ang sunog, na idineklarang fire under control pasado 6 a.m.

Dalawa ang iniulat na nasugatan habang mahigit P2 milyon ang halaga ng ari-arian ang natupok.

Patuloy ang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection kung paputok ang sanhi ng apoy.

Sa sunog naman sa isang patahian sa San Antonio, Pasig, isang babae ang nasawi na kinilalang si Helen Rugas.

Nakulong daw sa patahian ang biktima, ayon sa mga imbestigador.

Naapula ang apoy matapos ang halos isang oras.

Nasa 100 pamilya naman ang sinalubong ang bagong taon sa kalsada sa Barangay Vasra, Quezon City.

Nasa 50 kabahayan ang nasunog bago mag-11 p.m. nitong Martes, kung saan nagsimula umano ang sunog sa isang bahay na walang tao.

Hindi naman kaagad nakapasok ang mga truck ng bumbero dahil sa sikip ng kalsada kaya umakyat ang mga bumbero sa bubong para maabot ang pinangyayarihan ng sunog.

Tumulong na rin ang mga residente sa pag-apula.

"Napakasakit na salubong ng Bagong Taon. 'Di namin lubos maisip na ganiyan pala ang Bagong Taon namin," sabi ni Jocielyn Aragon, residente.

"Kailangan namin ng tulong, halimbawa mga damit, mga pagkain, wala na kaming maanuhan eh," sabi ni Felisa Punay.

Ayon sa mga awtoridad, tinitingnang sanhi ng apoy ang problema sa kuryente.

"Noong madinig niya na nagpuputukan, noong makita niya, bigla na lang may malakas na apoy na lumabas, nagliyab 'yung ceiling... Hindi po iyan paputok, posible po doon sa kuryente," sabi ni Fire Major Joseph del Mundo, QC Fire District. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News