Iniutos ng Department of Health ang mahigpit na screening sa mga dumarating sa mga paliparan at pantalan ng bansa dahil sa hindi pa matukoy na respiratory disease na galing sa China.

Ayon kay DOH Undersecretary Eric Domingo, tagapagsalita ng kagawaran, batay sa nakuha nilang impormasyon mula sa World Health Organization at China,  ang outbreak ng hindi pa tukoy na sakit  ay lumilitaw na nagmula sa isang palengke sa Wuhan.

Ang mga pasyenteng tinamaan ng sakit ay nilalagnat umano, mayroong upper respiratory tract infection tulad ng ubo at sipon, at pneumonia.

Umabot na umano sa 44 katao ang nagkaroon ng "misteryosong" sakit na hindi pa malaman kung papaano kumalat. Binabantayan din ang 100 katao na nakaugnayan ng mga pasyente.

“Of the 44 cases, merong 11 who have severe pneumonia and all of the patients are being treated now in isolation," sabi ni Domingo.

"Wala namang mortalities. Wala namang namatay dito sa sakit na ito. Pero lahat ng tests kasi na ginawa, negative siya for sars, for the flu virus. Negative din siya for avian flu o yung bird flu. We still do not know what the virus is,” dagdag niya

Naniniwala naman si Domingo na posibleng hindi ito kumalat sa Pilipinas ang sakit. Bukod kasi sa walang direktang flight mula sa Wuhan, lumilitaw na hindi naililipat ang sakit ng tao sa tao.

Pero dapat pa rin daw mag-ingat kaya iniutos nila ang pagbabantay sa mga dumarating sa bansa.

“Sa atin, wala pa. Ever since we started to put our Bureau of Quarantine on alert nitong new year, wala pa naman tayong nare-report ng cases ng fever or penumonia or any viral respiratory tract infections especialy coming from China or Hong Kong,” anang opisyal.

“In case meron tayong index of suspicion na medyo mataas, talagang merong history of, for example, ng travel doon sa area kung saan nagkaroon ng mga cases na ito, then we have our hospitals that are ready naman to take them and to admit them in isolation,” ayon kay Domingo.

Sakabila nito, nagpayo pa rin si Domingo na maging malinis sa sarili at kapaligiran, at laging maghugas ng kamay para makaiwas sa sakit lalo na ngayong flu season.--FRJ, GMA News