Inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na bibisitahin niya ang mga lugar na naapektuhan ng pagputok ng Taal volcano sa Martes, January 14, kahit may banta pa ng pag-ulan ng abo.

"Tomorrow, mag-ikot-ikot ako... I want to go around..." sabi ni Duterte sa mga mamamahayag nang makapanayam nang bumisita siya sa Philippine Marine Corps (PMC) sa Fort Bonifacio sa Taguig City nitong Lunes.

"... 'Pag hindi nyo ako nakita sa daan, sa bangin n'yo na ako hanapin," biro ni Duterte, na nagsabi ring magsasagawa ng survey sa lugar sakay ng helicopter.

Nagdeklara na ng state of calamity ang lalawigan ng Batangas matapos mapinsala nang husto ang ilang bayan nito bunga ng ashfall.

Napilitang lumikas ang libu-libung residente mula sa mga bayan ng Talisay, Agoncillo at Laurel.

Ayon kay Duterte, sinabihan siya ng kaniyang mga duktor na mag-ingat sa gagawing pagbisita sa mga naapektuhan ng bulkan dahil na rin sa kalagayan ng kaniyang kalusugan.

Nang sabihin sa kaniya na maaaring magkaroon pa rin ng matinding ashfall sa martes, sabi ng pangulo, "Kainin ko pa yang ashfall na 'yan.  Pati 'yang Taal na 'yan, ihian ko 'yan, 'yang buwisit na 'yan."

Tiniyak naman ni Duterte ang suporta ng pamahalaan sa mga lumikas.

"I will give financial (assistance)... Meron tayong pera, kung tulong lang, meron tayong pera, kaya hindi natin uubusin sa corruption," ayon sa pangulo. —FRJ, GMA News