Inanunsyo ng Department of Health (DOH) nitong Huwebes ang unang kumpirmadong kaso ng novel coronavirus sa Pilipinas. Ang pasyente na isang turista, nagpunta sa Cebu at Dumaguete
Sa pulong balitaan, sinabi ni DOH Secretary Francisco Duque III, na ang pasyenteng may taglay ng nCoV ay 38-anyos na babae mula sa Wuhan City sa China.
Dumating siya sa bansa noong Enero 21, mula sa Hong Kong.
Nagpakonsulta siya sa ospital noong Enero 25 matapos makaranas ng bahagyang pag-ubo.
Sa ngayon, sinabi ni Duque na "asymptomatic" na ang pasyente o wala nang sintomas ng sakit.
Sinabi naman ni DOH Epidemiology Bureau chief Dr. Chito Avelino, na isinasagawa ang "contact tracing" sa mga lugar na pinuntahan ng pasyente at kaniyang mga sinakyan.
Ayon pa kay Avelino, nagpunta ang pasyente na isang turista sa Cebu at Dumaguete.
Inihayag naman ni DOH spokesman Eric Domingo na nasa isang ospital sa Maynila ang pasyente.
"I assure the public that the DOH is on top of this evolving situation. We were able to detect the first confirmed case because of our strong surveillance system, close coordination with the World Health Organization and other national agencies," pagtiyak ni Duque.
"We are working closely with the hospital where the patient is admitted and have activated the incident command system of the said hospital for appropriate management specifically on infection control, case management and containment," dagdag niya.
Ipinatutupad din umano ang kaukulang hakbang para maprotektahan ang mga hospital staff na nangangasiwa sa pasyente.
Sa ngayon, sinabi ni Duque na mayroong 29 katao pa ang iniimbestigahan kung mayroon din silang nCoV infection.
Sa naturang bilang, 18 ang nasa Metro Manila, apat sa Central Visayas, tatlo sa Western Visayas, at tig-isa sa MIMAROPA, Eastern Visayas, Northern Mindanao, at Davao.
Sa kabila nito, pinayuhan ni Duque ang publiko na maging kalmado at mapagmatyag.
"Finally, I urge the public to stay calm and remain vigilant at all times. Let us continue to practice good personal hygiene and adopt healthy lifestyles," ayon sa kalihim. —FRJ, GMA News
