Isang Pilipinong guro na nakabase sa London ang gagawaran ng titulong Member of the Most Excellent Order of the British Empire (MBE) ni King Charles III sa 2025 New Year Honours List, isang pambihirang pagkilala para sa mga may dugong Pilipino.
Kasama si Edison David sa listahan ng mga paparangalan na inilathala noong Lunes sa The Gazette, ang opisyal na pahayagan ng kahirian ng Britanya.
Ibibigay ang parangal na MBE bilang pagkilala sa mga ambag ni David sa pamumuno sa mga paaralan, pagpapabuti ng sistema ng edukasyon, at paggawa ng polisiya sa edukasyon sa United Kingdom, na nagpapakita ng lumalawak na pandaigdigang impluwensiya ng mga gurong Pilipino.
Sinimulan ni David ang kaniyang karera bilang guro sa pampublikong paaralan sa lungsod ng Tarlac bago lumipat sa UK, kung saan siya nakabuo ng matatag na senior leadership profile sa sistemang pang-edukasyon ng Britanya.
"It was a tremendous honour to receive this recognition from His Majesty the King," ani David.
"I may have spent most of my professional life in the UK, but my roots are firmly in the Philippines. I carried with me the values I grew up with — resilience, humility, hard work, and a deep belief in the power of education to transform lives," dagdag niya.
'Made a big difference'
Nagsilbi si David bilang executive headteacher ng dalawang kinikilalang paaralan sa London Borough of Lambeth.
Sa listahan ng mga papangaralan, pinuri ang kaniyang “services to Education” sa kaniyang tungkulin bilang executive headteacher—ang katumbas ng punong-guro sa UK—sa Granton Primary School sa London Borough of Lambeth.
Ayon sa isang information briefer ng pamahalaan ng UK, ang MBE ay iginagawad sa mga taong matagal na naglingkod sa kanilang komunidad at nagdulot ng malaking pagbabago.
"They have shown other people what can be done through their own hard work," nakasaad sa briefer.
Bukod sa kaniyang trabaho sa mga paaralan, nagsilbi rin si David bilang lead inspector ng Ofsted, ang national education inspection body ng UK, at nagtrabaho bilang school improvement adviser na sumusuporta sa mga lider ng paaralan, lalo na ang mga naglilingkod sa mga disadvantaged learner.
Sa pambansang antas, naging bahagi rin si David ng mga advisory group ng Department for Education, na nagbibigay ng mga mungkahi sa mga ministro ng gobyerno hinggil sa mga reporma sa pamumuno ng paaralan at data management.
Sa buong karera niya, pinamunuan ni David ang pagbangon ng mga paaralang may mababang performance at itinaguyod ang inklusibo at batay sa pananaliksik na mga pamamaraan ng pagtuturo upang mapataas ang tagumpay ng mga mag-aaral.
Nagtatalumpati rin siya sa mga international at national forum sa edukasyon, kabilang ang mga pagtitipon na inorganisa ng Organisation for Economic Co-operation and Development (OECD), at regular na nakibahagi sa mga inisyatiba para sa sistematikong pagpapabuti ng mga paaralan.
Para rin sa iba pang gurong Pilipino
Ayon kay David, ang parangal ay hindi lamang salamin ng kaniyang personal na paglalakbay kundi pati ng mas malawak na ambag ng mga gurong Pilipino sa buong mundo.
"This award was not only for me — it was for every Filipino teacher working hard in schools, whether here or back home," sabi niya.
"I hoped it would inspire more of us to dream big, lead with purpose, and raise the flag of the Philippines with pride," dagdag ni David.
Pormal na igagawad ang MBE sa isang investiture ceremony sa mga susunod na buwan matapos ang anunsyo, na karaniwang ginaganap sa Buckingham Palace, na personal na ibinibigay ng Hari ang medalya o ng isang nakatatandang kasapi ng Royal Family.
Nomination process
Dumadaan ang mga pinaparangalan sa isang proseso ng nominasyon at beripikasyon, isang multi-sectoral na review panel, sa pagsusumite ng panukalang listahan sa Punong Ministro. Ipinapadala ito sa Reyna para sa pagsang-ayon.
Hindi maaaring magnomina ng sarili ang isang tao, at hindi rin maaaring ipaalam sa iba na siya ang nagsumite ng nominasyon. Kinakailangan din ang dalawa o higit pang liham na nagpapatunay na sinusuportahan ng mga nagpadala ang mungkahi ng nagnomina.
Maaaring tumagal ang buong proseso ng humigit-kumulang 18 buwan hanggang dalawang taon.— Sherylin Untalan/FRJ GMA Integrated News

