Pumanaw na si Dueñas, Iloilo Vice Mayor Aimee Paz Lamasan, matapos niyang aksidenteng mabaril ang sarili noong Disyembre 30, ayon kay Dueñas, Iloilo Mayor Robert Martin Pama.
Inanunsyo ni Pama ang pagkamatay ni Lamasan sa isang Facebook post.
"You have been with me through ups and downs... You are so dear to me... Your passing is really, really painful... We were like brothers and sisters," sabi ng alkalde sa magkahalong Ilonggo at Ingles.
"[T]here [are] no goodbyes between us... See you in the next life... RIP, my beloved Vice Mayor," dagdag pa ni Pama.
Ayon sa isang ulat, sinabing isinugod si Lamasan sa St. Paul’s Hospital matapos aksidenteng mabaril ang sarili noong Martes sa kanilang tahanan sa La Paz, Iloilo City.
Sa ulat ni Danessa Estante ng Super Radyo Iloilo, lumabas sa paunang imbestigasyon ng pulisya na sugatan si Lamasan matapos tamaan ng bala sa tiyan habang iniinspeksiyon ang kaniyang baril bago magtungo sa isang gift giving activity sa kaniyang bayan.
Agad siyang dinala sa ospital para sa operasyon.
Patuloy ang pag-iimbestiga ng pulisya upang matukoy ang buong pangyayari sa insidente. —Jamil Santos/AOL GMA Integrated News
