Nasawi ang isang 19-anyos na rider matapos bumangga ang minamaneho niyang motorsiklo sa kasalubong na sasakyan sa Macasandig Boulevard sa Cagayan de Oro City noong Lunes, Disyembre 29, 2025.
Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, sinabing batay sa imbestigasyon ng pulisya, nag-overtake umano ang biktima sa isa pang sasakyan habang patungo sa sentro ng lungsod.
Ayon pa sa pulisya, may hinahabol din umano na isa pang motorsiklo ang biktima, na residente ng Libona, Bukidnon.
Subalit nag-overshoot umano ang rider sa palikong bahagi ng kalsada at napunta sa kabilang linya ng kalsada na dahilan upang bumangga siya sa kasalubong na sasakyan.
Sinabi rin ni Traffic Investigator Master Sergeant Celso Labajan Jr., walang suot na helmet ang biktima nang mangyari ang insidente.
Pumanaw ang rider ilang sandali matapos madala sa ospital.
Nasa kustodiya naman ng pulisya ang driver na nakabangaan ng biktima. Gayunman, nagkaroon na umano ng pag-uusap ang magkabilang panig. – FRJ GMA Integrated News
