Inihayag ni Pinky Amador ang kaniyang paghanga sa Gen Zs dahil sa pagiging mga mapanuri nila sa eleksyon. Dahil dito, nagkaroon umano ng pagbabago sa political landscape sa bansa.

Sa year-end special ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes, tinanong si Pinky tungkol sa nakaraang Eleksyon 2025 na ilang artista o personalidad ang hindi pinalad sa kabila ng kanilang pagiging sikat o kilala.

“Ako I attribute it sa Gen Zs. Sila talaga ang nagbago ng landscape. Kasi mapanuri na sila. Hindi porke’t sikat ka… Titingan nila, ‘Ano ba ang mga nagawa nitong batas?’ ‘Ano ba ang plataporma nito?’ Iisa-isahin nila ‘yan,” sabi ni Pinky.

Bukod dito, ang Gen Zs din ang nagmumungkahi sa kanilang mga magulang o kaanak kung sino ang mga nararapat na iboto.

“I know ang ibang Gen Zs sa bahay nila, ‘Ma, ito ‘yung tatakbo sa atin.’ Sila ‘yung gumagawa ng listahan para sa magulang nila, para sa lola nila. ‘Yun ang makakapagbago ng bansa natin. Sila. Dahil mapanuri sila, dahil magaling sila sa internet, magaling sila magsearch,” saad ng aktres.

“Pero dahil sa kanila, maraming nagbago,” ani Pinky.

Sinabi pa ni Pinky na walang mali kung pumasok sa politika ang isang artista o journalist. Ngunit mahalaga na bukod sa intensyon, mayroon ding kaalaman kaya hinihikayat niya ang pag-aaral ng public administration.

“Sinasabi ng iba, ‘Kukuha na lang ako ng magaling na staff.’ Hindi siya ganoon. Hindi nakukuha sa magaling na staff ‘yon. Kailangang meron ka rin, apart from your intention, meron ka ring sariling angking alam na paano ba gawing solusyon ito?,” paliwanag niya.

“Kailangan marunong ka rin makinig, marunong ka ring pumulso sa tao. Ano ba talaga ang problema natin? You have to go on the ground to find out ano ba talaga, paano natin sosolusyunan ito,” dagdag pa ni Pinky.

Isinagawa ang midterm elections sa bansa nitong nakaraang Mayo.—FRJ GMA Integrated News