Nagliyab ang hile-hilerang tindahan ng mga paputok matapos lumihis ang isang sinindihang fountain sa pagsalubong sa Bagong Taon sa Antipolo, Rizal. Labing-isa katao ang sugatan.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Huwebes, mapanonood ang video ng nagpuputukang fireworks sa Barangay Dela Paz. Ilang saglit lang, biglang sumabog sa ibaba ang mga paputok.

Sa isa pang kuha, mapanonood ang malapitang pagsabog ng iba’t ibang fireworks habang kaniya-kaniya nang nagtakbuhan ang mga tao.

Isang designated area ng tindahan ng mga paputok ang lugar na pinangyarihan.

Isang nagbi-video ang tinangka pang magtago sa likod ng mga estante.

Ayon sa mga saksi, mitsa raw ng sunog ang nalihis na pagputok ng isang fountain.

“Ang ginagawa ko lang po noon is nanonood lang po ako ng fireworks gawa po ng 12 a.m. na po kaya nagpaputok na po sila. Then napansin ko po biglang lumihis po 'yung paputok. Doon na po nagsimula 'yung trahediya,” ayon sa isang babaeng saksi.

“Hindi na po namin nakuha, nailigpit 'yung mga gamit namin, 'yung mga paninda sa sobrang taranta po. Hindi na po namin alam kung saan kami pupunta. 'Yung anak ko po naligaw siya. may pader daw silang tinalon. 'Yung anak ko po na nahiwalay sa akin, ‘yung bunso ko, is six years old po. Sa sobrang taranta, hiwa-hiwalay po kami,” sabi ng isa pang saksi.

Ilan pa sa mga lumikas ang pumasok na lang sa isang bahay sa likod ng mga tindahan.

Ayon sa Barangay Dela Paz Rescue, kabilang sa 11 na sugatan ang ilang menor de edad.

“Nu’ng pagdating ko dito, merong isang minor injury, nag-hyperventilate, and then only to find out, 'yung iba is nandu’n na po sa barangay namin. So doon na po nag-proceed 'yung ibang rescue. And then may anim nang nagpunta doon sa hospital. So chineck namin, in total is 11 sila. Tumakbo sila eh. So 'yung pagtakbo nila, nadapa, so mga gasgas, at 'yung isa is may laceration doon sa kamay but all is okay naman,” sabi ni Jan Ralph Domingo, OIC ng Dela Paz Rescue.

Kasama sa mga sumabog na paputok ay aerial fireworks, mga fountain, at mga luces. Kasama rin sa mga nasunog ang mga panindang torotot.

Halos maubos naman ang mga panindang paputok sa estante na posibleng hindi na rin magagamit.

Nasa walong firetrucks ng Bureau of Fire Protection ang rumesponde sa insidente.

Tuluyang naapula ang sunog pasado 12 a.m.

Patuloy ang pag-iimbestiga ng mga awtoridad sa insidente.

Ayon sa barangay, unang binuksan ang designated area para sa mga tindahan ng mga paputok na noo’y nakapuwesto lang sa may highway nitong Disyembre lang.

Aabot sa 20 na tindahan ng paputok ang nasa designated area. Sarado muna ito sa publiko kasunod ng insidente.—Jamil Santos/AOL GMA Integrated News