Ni-raid ng mga awtoridad ang New Bilibid Prison sa Muntinlupa City nitong Lunes ng madaling araw.

Mga patalim tulad ng kutsilyo ang karamihan sa mga nasabat sa Oplan Galugad raid, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita ng GMA News.

Mayroon ding nakumpiskang mga cellphone, barbecue stick at ballpen.

Isang batalyong SWAT at apat na libong pulis at operatiba ng Philippine Coast Guard, Philippine Drug Enforcement Agency, Special Action Force at Bureau of Fire Protection ang nagsagawa ng raid.

 

Ginalugad ng nasa 4,000 na pulis at operatiba ng Philippine Coast Guard, Philippine Drug Enforcement Agency, Special Action Force at Bureau of Fire Protection ang Maximum Security Compound ng New Bilibid Prison nitong Lunes, Pebrero 3, 2020. Danny Pata

 

Sinimulan nilang halughugin ang bawat selda at shanty sa Quadrant 2 at 3 ng Maximum Security Compound ng NBP alas kuwatro ng umaga.

Ito raw kasi ang lugar na hindi pa nasusuyod nang husto sa mga nakaraang Oplan Galugad.

Ayon kay National Capital Region Police Office chief Police Major General Debold Sinas, nagpasaklolo sa kanila si Bureau of Corrections Director General Gerald Bantag matapos makatanggap ng ulat na may mga kontrabando pa rin sa loob ng NBP gaya ng mga electronic gadget.

Ito raw kasi ang ginagamit pangkontak ng ilang preso rito para maipagpatuloy pa rin ang ilegal na gawain sa labas ng kulungan.

Isasailalim sa forensic investigation ang mga nakumpiskang gadget.

Ayon kay Sinas, ito ang unang beses na ganito karaming pulis ang ginamit sa Oplan Galugad sa NBP para masuyod nang husto at mabilis ang mga selda. —KG, GMA News