May pinapauso na namang "challenge" sa social media na ayon sa isang eksperto ay maaaring mauwi sa seryosong pinsala sa katawan — ang "skull-breaker o tripping challenge."

Sa ulat ng GMA News 'Unang Balita" nitong Martes, sinabing ang viral challenge ay mayroong tatlong tao. Unang tatalon sa kanilang kinatatayuan ang dalawang nasa magkabilang dulo, habang mananatili namang nakatayo ang nasa gitna.

Kapag natapos ang dalawa sa magkabilang dulo, ang nasa gitna naman ang tatalon at saka papatirin ng dalawang nasa tabi niya habang nasa ere. Ang resulta, maaaring matumba nang patalikod o patagilid ang nasa gitna.

Pero ayon kay Dr. Gerald Belandres, napakadelikado ng challenge na ito dahil maaaring mabalian ng buto o mabagok ang ulo ng biktima.

"Nakakatakot ito. Depende kasi sa pagbagsak nito lalo na pag yung katawan ang bumagsak at mas lalo na talaga 'yung ulo. Maaari rin tayong magkaroon ng concussion o 'yung pagkaalog ng utak, pwedeng magkaroon ring head injury kaya maaaring mawalan ng malay, maaari ring mahilo, maaari ring pagsusuka ng grabe," paliwanag ni Belandres.

"Maaari din itong ma-coma tapos maaari din kasing magkaroon ng internal bleeding at, siyempre, maaari din itong mag-cause ng death," dagdag niya.

Para kay Balendres, hindi dapat gawin ang naturang challenge, at dapat handa ang mga tao sakaling magkaroon ng aksidente.

"Ang usual na first aid na ginagawa ay dapat i-assess mo talaga ang victim kung conscious ba siya o hindi. Kung may makikita kang mga open wounds, puwede mo siyang takpan or i-dress ito ng kaunti, then eventually dalhin ito sa hospital," the doctor says. — FRJ, GMA News