Tatlong lalaki na magkakasabwat umano sa pagtutulak ng droga ang naaresto ng mga pulis sa Rizal, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes.

Tila may pa-promo sila dahil kapag bumili ka ng shabu ay may kasama pang sex enhancement pill.

Unang naaresto ng Criminal Investigation and Detection Group-Quezon City ang target na si Jayson San Juan nang salakayin ang bahay nito sa Brgy. San Isidro sa Angono nitong Miyerkoles ng gabi.

Dalawang kasabwat niya ang nahuli — ang magpinsang Jael Sto. Domingo at Menard Balajadia.

Nakuha sa kanila ang nasa 30 gramo ng umano’y shabu na may street value na P204,000, at iba’t ibang drug paraphernalia.

Nabisto rin ng CIDG ang mga sex enhancement pills na ibinibigay ng isang suspek sa kaniyang mga parokyano.

May nakuha ring baril kay San Juan na ibinenta lang daw sa kanya.
Pangatlong beses nang makukulong si San Juan dahil sa kasong droga. Sideline daw niya ang pagtutulak dahil mababa ang kita bilang mekaniko ng tricycle.

Ang dalawa pang suspect, umamin na kumikita sila ng P1,000 sa kada transaksyon. —KBK, GMA News